CLAIM 2: MORAL DEVELOPMENT – GOOD BEHAVIOR IS LEARNED
Claim: Ang mabuting asal ay nahuhubog sa pamamagitan ng pagkatuto at karanasan, hindi basta awtomatikong taglay mula sa kapanganakan.
Magandang araw sa lahat.
Para sa aming ikalawang pahayag, nais naming bigyang-diin na ang mabuting asal ay hindi basta awtomatikong taglay ng isang tao mula nang siya ay ipanganak. Sa halip, ito ay unti-unting nahuhubog sa pamamagitan ng kaniyang mga natututuhan, karanasan, at pakikisalamuha sa ibang tao.
Upang suportahan ang aming argumento, maaari nating gamitin ang pilosopiya ni Aristotle sa kaniyang akdang Nicomachean Ethics, partikular sa Ikalawang Aklat, Unang Kabanata.
Ayon kay Aristotle, ang moral virtues ay nade-develop through habituation, o sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagsasagawa ng mabuting asal. Ipinaliwanag niya na hindi tayo ipinanganak na mayroon nang ganap na moral virtues. Sa halip, taglay natin ang kakayahang matutunan at linangin ang mga ito sa pamamagitan ng pagsasanay at karanasan.
Dito mahalagang maunawaan ang pagkakaiba ng pagiging likas na mabuti at ng paggawa ng mabuti. Ang paggawa ng mabuti ay tumutukoy sa mga aktuwal na kilos na nagpapakita ng kabutihan, samantalang ang pagiging likas na mabuti ay nangangahulugang ang kabutihan ay likas nang bahagi ng pagkatao ng isang tao.
Hindi porket nakakagawa ang isang tao ng mabuti ay nangangahulugang ipinanganak na siyang may ganap na mabuting asal. Posible ring ang kaniyang mga mabuting gawain ay resulta ng mga pagpapahalagang natutuhan niya sa kaniyang pamilya, paaralan, at lipunan.
Halimbawa, isipin natin ang isang batang hindi pa nakauunawa sa konsepto ng empathy o pag-unawa sa damdamin ng iba. Kapag may nasaktan siyang kapwa bata dahil sa kaniyang mga kilos, maaaring hindi niya agad maintindihan kung bakit mali ang kaniyang ginawa. Ngunit sa pamamagitan ng paggabay ng kaniyang mga magulang, pakikisalamuha, at mga karanasan, unti-unti niyang natututunang unawain ang damdamin ng iba at maging mas makonsiderasyon.
Kung ang mabuting asal ay ganap nang likas at awtomatikong taglay mula sa kapanganakan, bakit kailangan pa nating matutuhan ang mga konsepto ng respeto, katapatan, malasakit, at pananagutan? Bakit nagkakaroon ng pagbabago sa ating moralidad habang tayo ay lumalaki at nagkakaroon ng mga bagong karanasan?
Hindi namin sinasabing walang kakayahang gumawa ng mabuti ang tao. Ang aming ipinaglalaban ay ang pagkakaroon ng kakayahang gumawa ng mabuti ay hindi nangangahulugang likas nang taglay ang ganap na mabuting asal.
Samakatuwid, naninindigan kami na ang mabuting asal ay hindi basta awtomatikong nabubuo mula sa kapanganakan. Ito ay isang katangiang nahuhubog, natututuhan, at napauunlad sa pamamagitan ng ating mga karanasan at paulit-ulit na pagsasagawa nito.
Dahil ang pagiging mabuti ay hindi lamang tungkol sa kung ano ang kaya nating gawin, kundi pati na rin sa kung paano natin natututuhan at nililinang ang ating pagkatao.
Maraming salamat.